Halik sa Hangin at Suntok sa Buwan

Saan Nga Ba?

July 10, 2009 · 2 Comments

by Salvador Dali

by Salvador Dali

Namulat ako sa daigdig ng maraming mundo. Merong “reality”, “virtual reality”, “imaginary” at, maging mundo ng kababalaghan na alam na alam kong andyan lang sa di kalayuan. Isa lang ako, isa lang ang diwa, katawan at kamalayan. Pero tila naliligaw ako sa ibat-ibang mundong aking ini-ikutan araw araw. Kadalasa’y di ko na alam kung alin ang mas matimbang. Nabubuhay ako sa normal na mundo tuwing umaga, kumakain, naliligo, humihinga…. sa kinahapunan, katapat koy’s computer kung saan pilit akong hinahatak sa mundo ng “alternate reality” o “virtual reality”. Kung ito ay nangyari noon, malamang, madaling makita ang pagkapeke nito. Pero ngayon, bawat avatar, tao, mundo, at lugar sa internet ay tila isa nang “parallel universe” dahil alam mong sa likod ng laro, ay mayroon ring isang taong nabubuhay na parang ikaw, nakakaramdam, at pumipiling palawakin pa ang karanasan sa buhay sa pagpasok sa mundo ng 3D, social networks, facebook, ragnarok at kung ano-ano pa. Habang tulog panibagong mundo naman ang akin nararanasan, isang malabo , madilim at magulong katotohanan na mas madalas kesan minsan, ay nakakapangilabot at nakakabagabag.

Salvador Dali

Salvador Dali

Aaminin ko, nalilito ako. Sa takbo nga aking pang-araw araw na buhay, lahat ng ito ay ginagalawan ko at kailangan kong  galawan upang makapiling ang mga taong mahal ko, kumita, maaliw, at mabuhay.  Pero hindi ko sigurado kung saan talaga ako. Saan ako mabubuo bilang tao, saan ako sasaya, saan ako maaaring maging ako. Minsan nalilito ako kung sino na ako, sa dami ng pangalang ginagamit, sa dami ng maskarang kinakabit, sa dami ng sutsot na tila ibang pangalan ang binibigkas, pero alam mong ikaw.  Sa dami ng hinihingi at pangangailangan sa mga mundong ginagalawan, sa dami ng mga gustong nais makamit. Oo lumawak nga ang karanasan  ko subalit paminsan-minsan ay kailangan ko rin ng preskong hangin, isang puno, tahimik na lugar, at simpleng pagkakataon upang mapaalala sa sarili kung ano ang gusto, sino at saan ang papatunguhan ko, at anong landas ang tatahakin ko.

Haay, nakakapraning, saming, windang, at baliw. Sa dinami-dami ng pangalan at katauhan, sana ay mayroon pa ring latak ng katotohanan,  kung  sino yung totoong ako sa bawat anyong piliin ko.

by Salvador Dali

by Salvador Dali

→ 2 CommentsCategories: Uncategorized
Tagged: , , , , , , , ,

Tagu-taguan sa Liwanag ng Buwan…

July 3, 2009 · 3 Comments

“Tagu-taguan sa Liwanag ng Buwan…”  Sa ibang mga bata, masaya ang mga katagang ito. Pero sa akin… may kasamang kilabot at pagtaas ng balahibo sa batok. Naalala ko,  mga 11 na taong gulang ako nun… dahil sa brown-out, tuwing magtatakip-silim, upang maiwasan ang init sa bahay, pinapayagan kaming mag laro sa tapat  ng ilang oras bago matulog. Gaya ng normal na mga batang Pilipino, ako at ang aking mga kalaro ay mahilig mag-taguan matapos mapagod sa patintero. Masarap na mag laro nun lalo na pag medyo may kadiliman na ang paligid at tipong nababalot na ng anino ang kadalasay kitang-kitang lugar.

Mga bandang Marso nun, malapit na ang pasukan, kaya sinasamantala naming magkaka-ibigan ang pagkakataong makapaglaro ng malaya. Gaya ng ilang beses na naming nagawa, nag bato-bato pick at namili na ng taya.  Tuwang -tuwa ako at di ako yun! Parang tradisyon, tumapat sa pader si JP, at nag litanya…”Tagu-taguan sa ilalim ng buwan, tayo’y maglaro, sa ilalim ng buwan…one, two…three…” Tila para kaming mga langgam na inapuyan at naghanap ng “safe” na lugar. Pumasok ako sa aming bakuran, di pa nagtatabas ng damo ang lolo ko nun, may kataasan ang mga damo  at mayabong pa ang mga dahon ng dalawang puno dun… isang Talisay, at isang Rubber tree. Gustong-gusto ko dun sa rubber tree dahil may kalakihan ang katawan at sa lapad ng mga sanga, ay nababalot ng anino ang ilalim. Umupo ako sa tabi ng isang ugat at tumungko. Mga bandang alas-syete na nun, brown-out, madilim, at tanaw ko ang buwan… habang nagtatago, naiisip ko yung palabas sa TV, di ko na matandaan ang pangalan… yung sabi sa commercial…”ano ang nasa dako-paroon, bunga ng malilikot na isip, likha ng balintataw…” yun…

Di ako mahihiyang sabihing isa kong malaking duwag. Kaya bata pa lang ako, nasanay na akong tumanda ng yapag at tunog ng mga kaluskos, ng mga tao sa paligid ko. Pag may kakaiba… nararamdaman ko. Habang, naglalaro sa isip ko yung sabi sa commercial, tanaw ko sa gilid ng aking mga mata ang kaluskos nga aking kapatid na babae sa talisay, ni Carlo.. dun sa may mga gumamela, at si Gabby.. dun sa may niyog sa gilid ng Gazebo. Pero may kakaiba.. hindi kaluskos, kundi bulong..hindi ko maintindihan, at sa aking pagka gulat, di ako natakot..hindi ko kasi maintindihan.. di ko pinansin. Pero ramdam na ramdam ko ang matinding pag tibok ng puso ko… at pagtayo ng balahibo sa aking batok. Syempre, dahil lagi akong balagoong sa laro… at ayaw ko maging taya… nag-tapang-tapangan ako at di gumalaw sa kinalalagyan.. tutal, ramdam ko pa naman ang mga kalaro ko sa aking gilid. Di kalaunan, isa-isa silang tumakbo sa base, hanggang ako na lang ang naiwan sa lugar na tinataguan namin.. mayabang ako… gusto ko ako ang panalo, nagmatigas at nanatiling nakatungko sa paanan ng puno na nababalot sa anino. Ang naririnig ko na lamang ay yung kaluskos ng dahon. Nawala na yung bulong…nakahinga na ko ng malalim. Pero, tumaas ulit ang aking mga balahibo ng biglaang may natanaw sa gilid ng mga mata ko. Parang anino, parang mukha.. pero di ako sigurado. Naramdaman ko lalaki yun. Sigurado ako na hindi ko lolo, tatay, kalaro o mga kuya yun… at tila sigurado rin ako na di iyon tao.. nakalutang eh… nakatayo lang at para akong pinagmamasdan. Malamig na at sagad hanggang buto ang ginaw na naramdaman ko. Pero pinagpapawisan ako. Andun lang sya, nakatayo at alam kong pinagmamasdan ako. Nanigas ako sa kinauupuan. Gaya ng sabi ko, duwag ako. Buti na lang, biglang nagkailaw.

Matagal ko nang pilit kinakalimutan ang ala-alang ito dahil natatakot ako. Hindi ko pinangarap, ginusto, ninais at inasam na makakita ng kung ano mang kababalaghan. Pero may mga pagkakataon na tila wala akong magawa kundi maramdaman sila. Minsan, habang natutulog, ginigising ako ng magaan na hawak or bulong, minsan habang nasa internet at may kausap, biglang may nagsasalita na umiiyak, minsan, habang nagyo-yoga or nag me-meditate… biglang may tumatawag sa aking pangalan… (kaya tinigil ko na yung kalokohang yun, kahit gaano ka-healthy), at kamakailan lang,  habang nasa kalagitnaan ng isang napakasarap na date, ay may nakikichismis sa gilid na tipong nanonood lang… haaay, ayokong pansinin. Istorbo sila…buti na lang, sobrang masayahin at makulit ang date ko di ako natakot… feeling ko safe ako pag kasama ko sya, hehhe mali.. buti na lang, kahit napansin nyang may sinisipat ang mata ko sa gilid, di pala sya natakot… haay nakakamiss talaga pag mahal mo, kahit di na normal ang panyayari,  sya lang ang gusto mo makita AT sya lang ang pinipili mong makita.

Ayun.. ganun… aaligid-aligid sila, bumubulong-bulong, sumisit-sitsitsit, at tumitingin-tingin.. pero natutunan ko silang deadmahin. Ayaw ko makita at marinig… pero gaya nung 11 years old ako, kahit anong iwas,  may mga pagkakataon talaga na may isang di mo pwedeng isnabin, at kusa at pilit na magpaparamdam. Wala akong third-eye. Siguro lahat tayo may ganitong karanasan, marahil sa panaginip, sa di matukoy na mga anino… sa mga nasasagap na kakaibang tunog, mga mabibilis na kilos  sa gilid ng paningin. … mga kalabit na halos di mo maramdaman…Naniniwala ako na pag kinilabutan ka kahit mainit, tumaas ang balahibo sa iyong batok, biglang tumibok ang iyong puso ng napakabilis, at tila biglang nalipat ang iyong diwa sa tila kakaibang antas… malapit lang sila, lumalapit.. nakikinig.. nagmamasid… nag-aantay na pansinin.

→ 3 CommentsCategories: Uncategorized
Tagged: , , ,

Monday Blues

June 29, 2009 · 2 Comments

Lunes ngayon. Maaga nagising, kahit 1 oras pa lang ang tulog. Halos magtatakbo ko papasok sa trabaho, kala ko ayos na kagabi, pero pag bangon ko, yung pantalon ko, sira pala at di ko makita kaparehas ng sapatos ko…AT… gaya ng dati… habang tumatakbo, nag iisip, nagpaplano, nagbibilang ng pera, at…nag aayos ng mga laman ng bag… pero, nakahabol ako on time… kahit gulo gulo na ang buhok at hinihingal, palagay ko, nakatulong  ‘to kasi pinalusot nung Guard yung 3 minutes kong late.. Ok lang, mabilis ang takbo ng umaga, maraming nagawa, at higit sa lahat, kumita ng pera. Bawal nga maging batugan. Hehehehe…

Kung ako ang tatanungin… ayaw ko magtrabaho, gusto ko lang magsulat, pero… gaya ng alam ng lahat, pinupunahanan din to at nakakatamad na mang manatili sa bahay ng walang kausap. Well, ganyan ang buhay. Hindi masyado maganda araw ko kasi ang sakit ng ulo ko at ang ku-kulit ng mga kasama ko sa trabaho. Ang aga-aga, ang dadaldal at hyper na… adik ba sila!!!? Hehehe o baka naman ako lang ang di normal.

Nasanay ako na gising sa gabi o di kaya’y walang tulog. Ngunit ngayon, kailangan kong magpanggap na normal, masaya, at di tulog ang utak. Hehehe… ang buhay nga naman.

Nami-miss ko ang maraming tao, mga taong nakasama araw-araw at halos naging sanggkap na ng agahan- o pananghalian- o hapunan, depende kung anong oras ako magising. Nami-miss ko ang mga kwento, yung pagpapatawa na nagpabago sa pananaw ko sa mundo at aking pagkatao. Nami-miss ko yung mga lambing at walang-sawang pag-aalala  tuwing meron akong gagawing medyo tagilid sa normal. Haay na mi-miss ko lahat yun. Nananabik akong mangulit, mang-asar, at mang away, kahit sa kinalaunan ay ako rin ang napipikon.  Wala na kong masabi, namimiss kong madaling makausap ang aking mga minamahal at paalam sa kanila kung gaano sila kahalaga sa akin.. yung lang… kasi, natutunan kong nang bigyan ng importansya yung kalinga nila. Hinahanap hanap ko ang lahat ng ginagawang nilang nakakatawa, nakakapraning, nakakakilig at nakaka pagpalumanay ng kadalasang mainitin kong ulo. Higit sa lahat, namimis ko yung mga matang nangungusap at makita  ko lang, ay nararamdaman ko na kung ano ang laman ng puso’t isipan, at laging pinapaalam sa akin na kasali ako dun… parang pinapatunayan na di ko kailangang mangamba.

Tama na to, na prapraning na naman ako. Yun ang mahirap pag Monday… mabilis ang umpisa ng araw, halos di ka na makapag isip , kailangan planado na, kinagabihan pa lang, kung hindi ma-li-late ka. Pero , pag humupa na ang alon ng gawain, ayun… na-aalala mo na may napakalaking kulang pala… at gaya ng dati, mag isa ka na lang ulit at wala kang magawa.

Martes na, madaling araw, at dilat na dilat na naman ang mga mata, baka magising na naman ako sa bangungot at natatakot na akong matulog, haaay ibang klase na ang pa-iemote at kasamingan ko. Tigilan na to.. hehe..

→ 2 CommentsCategories: Uncategorized

Mga Hiwagang di ko Maarok

June 28, 2009 · 2 Comments

Ang buhay daw ay isang sunod-sunod na pagkakataon upang magtanong. Marami akong mga tanong na bumabagabag sa isipan. Mga tanong na naglalaro sa aking kamalayan… yung iba’y dala ko mula pa sa aking pagkabata, yung iba naman… mga tanong na lumutang base sa aking mga karanasan. Hanggang ngayon, yung iba dun.. di ko pa rin ma-gets ang sagot. Yung iba naman, alam ko ang sagot, pero di ko pa rin ma-gets.
Pili ka ng sagot mo at i-post mo sa comments kung wala kang magawa. Kung ikaw ay member na.. syempre, dun na sa members only ka sumagot para mas madali :-)

http://www.luisescobarblog.com/wp-content/uploads/2008/01/superman-batman.gif

http://www.luisescobarblog.com/wp-content/uploads/2008/01/superman-batman.gif _ by frog

1. Bakit naka tights si Superman at Batman?
a. para aero-dynamic (bakit? di naman lumilipad si Batman!!!)
b. bading sila at paraan yun ng pag attract ng ibang bading
c. tipid sa tela
d. others _____________________________________

2. Asan na si Papa Smurf? Miss na miss ko na sya. Naalala ko yung kanta “la la laralala, la ra la ra la…” Kaw tanda mo yun?
a. naging dwende na
b. naging jowa ni Smurfette at bumili ng bagong mushroom
c. kinain ni Azrael (yung pusa ni Gargamel)
d. others ____________________________________

3. Bakit sa Pilipinas lang may Kapre at manananggal, di mo naman yun maririnig sa folk-lore ng ibang bansa (o di kaya’y hindi ko lang alam…) samantalang ang bampira, dwende, at iba-iba pang mga aswang ng ibang lahi ay alam natin!!
a. hindi sila maishuhan ng visa abroad
b. hindi sila marunong mag English
c. ayaw nila ng snow, buhangin at foreigner at miyembro sila ng Exclusive Club na “Only in Da Philippines”
d. others ___________________________________

4. Bakit naka bulong ang logo ng Victoria Court samantalang mina-market na nila yung bilang family-place at bakit Geisha ang nasa SOGO..Wala akong options, sumagot ka na lang…
Sagot : _____________________________________

logos are copyrighted by SOGO and Victoria Court Hotels

logos are copyrighted by SOGO and Victoria Court Hotels

5. Ano na ang nangyari sa cast ng “Nginig” ng channel 2?. Favorite show ko yun!
a. kinidnap na ng kapre si John at natakot na yung ibang cast
b. wala na silang powers
c. gusto na nilang sumali sa palabas na “Heroes” kaya bi-noycot ang channel 2
d. others _____________________________

Image copyright by ABS-CBN and Nginig

Image copyright by ABS-CBN and Nginig

6. Anong dapat gawin pag sira ang aircon,walang pamaypay, walang electric fan,walang bintana, di ka pwedeng lumabas, at may ginagawa kang napaka importante na kailangan mo manatili sa silid pars di masayang ang oras at pagkakataon?
a. ihipang ang noo ng kasama para di mainitan, mag-ihipan kayo
b. magbabad sa cr at dun na lang gawin ang dapat tapusin hanggang magkasakit
c. dedmahin ang init, gawin ang gagawin, at tanggapin na lang na magkakasakit ka kinabukasan pero nag-enjoy ka
d. others ___________________________________

7. Bakit matamis at may hotdog ang spaghetti ng pinoy? Eto ang di ko ma-gets hanggang ngayon..
a. kasi mas mura ang ketchup kesa sa tomato sauce at hotdog kesa sa giniling, para tipid…kasi mahilig magpakain ng mga kapit-bahay ang pinoy
b. kasi pinauso ni Jollibee
c. fussion cuisine daw… Asian at Italian, di pa lang natin nari-realize
d. others __________________________________

8. Bakit tayo gumagamit ng tabo kung meron namang shower at bathtub? Pati ilang kilalang kong ofw, eto pa rin ang gawain..
a. trip lang
b. para tipid sa tubig kasi paubos na ang tubig sa La Mesa Dam
c. feeling mo, naglalaro ka sa batis o nagtatampisaw sa ilog  habang naliligo
d. others _________________________________

9. Kilala mo ba si Piling? Yung ulong tumubo dun sa likod ng bata galing sa Pigsa? Ewan, di ko sya makalimutan.. lakas ng impact sakin nung palabas na yun.. sayo, meron ba?
Sagot : __________________________________

Estong Tutong Scene: Sayang wala akong makuhang ulo ni piling nung tumubo sya sa likod ng bata!!!Grrrrrr.

10. Bakit sa pinoy lang kailangang sumagot ng “Yes” at “No” ang babae pag nililigawan? Kahit kadalasa’y wala namang tanong ang manliligaw? Parang dito lang ata uso to, kasi sa mga love stories ng hollywood na napanood ko, di namang ganun…
a. kasi malabo kausap ang mga pinoy at sa mga tests nung grade-school, nasanay tayo ng yes or no ang sagot o kaya’y true or false..galit din tayo sa essay dahil nakakakalyo at mahirap intindihin
b. wala lang, para lang cute gaya ng pag “oo” ni Carmi Martin sa working girls na ang gamit ay dalawang donut
c. para pag-dating sa malalim na usapan, yes at no lang din ang sagot at di na mahirapan
d. others _________________________________

Yan, marami pa kong mga katanungan.. malabo talaga utak ko.. pero eto ang ilan sa mga kadalasang iniisip ko. Siguro, kung alam ko ang mga sagot dito, mababawasan ang pagpupuyat ko, habang nakahiga, nakatitig sa kisame, at nag-aantay ng butiki… oo nga pala, ano nga ba ang tunog ng paniki?

→ 2 CommentsCategories: Uncategorized
Tagged: , , , , , , , , , , , , , ,

Nakakainis ang Langgam

June 27, 2009 · 2 Comments

Sabado kanina… isang oras at kalahati  na ang nakakaraan at ako’y nakauwi na..samakatuwid, linggo na. As usual, adik na naman, labas ng maaga, uwi ng umaga. Walang masyadong kakaibang nangyari ngayong araw, bukod sa napakaganda kong bukang-liwayway. Bandang tanghali… tinawagan ako ng mga kaibigan at nagkayayaang magkita-kita. Dahil sa kabatuhan, kapraningan, at pagkabugnot sa tila nawawalang pagdalaw ng pagkaantok, AT  kawalan ng mas importanteng gagawin. Pumayag ako.

Pero teka, di yan ang kwento ko. Gaya ng aking nabanggit.. at sa napakalaking titutlong nakikita mo. Di ko makalimutan ang maliit na kagat ng langgam… sobrang nakakainis , at sa aking pagkabugnot, kinamot ko ng kinamot ang bahaging kinagatan nito hanggang magsugat. Ganito ang pangyayari. Sinundo ako ng kaibigan ko, dati kong boss , para dalawin ang isa naming kaibigan. Sa katamaran ko magbihis at mag mukhang tao, dahil gaya ng sabi ko sa mga nakaraan ko nalathala, wala pa akong matinong tulog. Nakakatulog, pero tila binabangungot at nagigising. Ayun… nakashorts ako – ano nga ba ang shorts sa tagalog? (kung alam mo, paki-iwan na lang sa comment..) Pagdating namin sa pupuntahan…gayang ng aking madlas na pag amin sa katamaran, umupo ako agad sa garden set. Di ko namalayan na puro langgam pala sa ilalim. Pinagkakakagat ang mataba kong binti at aburidong-aburido ako sa kati at sakit. Nung naramdamang kong nabawasan na ang kati… unti-unti naman gumapang ang mga kasamahang insekto. Haay, siguro ang motto nila..”there is strength in numbers..” Sa pagkakataong iyon.. sang-ayon ako.

Haaay ang langgam nga naman… napakaliit at halos di makita kung ang tingin mo sa mundo ay sa pangmalakihang paraan lang. Pero pag andyan na..kung hindi ka kikilittin ay lubos ka namang sasaktan. Ang mas malala pa dun, pag di mo ma-agapan, mag-iiwan pa ng peklat. Naku! Buti na lang at may Cebo de Macho at Caladryl!

Kung pilosopo ka at mahilig mag-isip ng malalim, bahala ka na lang gumawa ng sariling interpretasyon sa langgam. Wala akong  ibang ibig sabihin na kung ano mang malawak na katotohanan o kadahilanan. Payo ko, wag mo nang basahin bilang isang matalinong tao, kwento lang po. Sinulat ko lang to kasi di-ako makatulog sa hapdi ng pantal! Isang gabing walang tulugan na naman. Minsan pinapangarap kong maging bato na walang pakiramdam at matulog na lang sa ilalim ng puno habang napapalibutan ng preskong kapaligiran at ina-awitan ng ibong Adarna… KAHIT may nakapatong na isang pulutong na makukulit na langgam!!!  Hay, yan na naman. kamut ulit.

→ 2 CommentsCategories: Uncategorized
Tagged: , , , , , ,

Ang Aking mga Nami-miss

June 26, 2009 · 2 Comments

Gaya ng aking walang ka pride-pride sa sinulat… nasasaming ako… wala akong magawa kundi tumitig sa kawalan,  habang bahagya kong sinisipat ang  umuusad na  mundo, pagkilos ng  ibang tao, at pag-arangkada ng aking paligid… habang ako… parang tulog na naglalakad, nakaupo  sa isang tabi… at hinahayaang mamasyal ang ibat-ibang diwa sa blanko kong kaisipan. Sus… ano ba toh…

1. Asan na si Pong Pagong at Kiko Matsing… Namimiss ko na yung pag sabi ni Pong ng “Weeeeee Kuya Bodjie…” , habang nagpapanggap na kumain, ang isang napakalaking foam na nag lalakad,  ng isang bunto ng kangkong,  at “Ate Sieeeeeeenaaaaaaa… gusto mo ba ng saging?” ni Kiko… hmm kahit nung bata ako.. Pakiramdam ko, may ibang ibig sabihin si Kiko. Kung di malinis ang utak mo… maaaring maging mahalay ang interpretasyon.

2. Kamusta na kaya si Michael Jackson? Bakit nung buhay sya… puro negatibo ang sinasabi ng mga tao… ngayong patay na… lahat bigla siyang tinuturing na Hero? Haaaay ang dami talagang plastic sa mundo. Basta alam ko, kinakanta ko yung Thriller at Billie Jean…at bilib na bilib ako sa moonwalk nya… kaya lang sa personal nyang buhay… aahhhhh, bahala na si Batman.

3. Di maalis sa isip ko yung 80’s song na Electric Dreams at I like Chopin… siguro kasi kanina, yung mamang katabi ko… naturingang naka earphones… eh rinig-na rinig naman ang pinapakinggan… siguro duguan na tenga nya..

4. Bakit antok na antok na ko at di ako makatulog…. lutang na naman ako, magdadalawang gabi na. Insomnia ba? Siguro kailangan ko nang magpamasahe o kaya’y magtulugtulugan , baka sakaling magkatotoo… praning nga.

5. Gusto kong magyosi, magkape, magpacute sa luneta, at makipagtitigan sa love-life,  habang nagpapanggap na sweet-na-sweet, pero ang totoo,  sinisilip lang naman ang reaksyon nung mga nag lalakad at nasa paligid na trying hard ding magpapanggap na di  nakikita or naririnig ang kakaibang kaiswitan, … pero sa totoo lang, kung anu-ano na ang tumatakbo sa kanilang isip at  halos mabakli na ang leeg kasisilip at malaglag na  ang tenga… makichismis lang…

Madami pa kong naisip… pero sa sobrang dami at kakulitan… di ko na masulat… inaantok na ko. Pikit na muna ko, baka bukas tuyot na utak ko.  Oo nga pala, kaya ko pinagsusulat ito…. miss na miss, na miss, na miss ko nang matulog ng mahimbing… haaay, wag lang matutuluyan… Hehe, di pa ko prepared… good night… bukas na lang ulit.

→ 2 CommentsCategories: Uncategorized
Tagged: , , , , , , , , , , , , , , , , , , , ,

Ang Pag-aagam-agam ng Isang Saming!!!

June 25, 2009 · 4 Comments

Ako’y isang pinoy (…sa puso’t diwa… hehehe) ngunit nag-aral at nagsusulat rin  sa ibang wika. Sa aking mga mambabasa, ito ang aking unang pagkakataon na lumathala ng isang blog sa wikang sariling atin…

Hindi ko alam bakit ko ginagawa to, o kung anong pumasok sa aking matigas na kukote kung bakit ko pinapahirapan ang sarili kong magsulat at mag-spelling ng balugtot (at nakakainis kaya na sa bawat tinatype mo, minamarkahan ng MS word na pula sa ilalim!)  Nagpakadalubhasa ako sa ibang wika, at kumita sa pamamagitan nun,  ngunit… di pa rin maaalis sa aking isipan ang labis na pagmamahal sa tagalog (na ngayoy binagsagang FILIPINO, mula ng sinamahan ng F, Z at J ang alpabeto)  at mala-makatang tunog ng Filipino. Oo, kilala ko si Balagtas… nag-tanghal pa kami ng “Florante at Laura” nung High School… ang role ko PUNO..sabi nung direktor namin, wag kang gagalaw… at sa pagtitipid, isa lang ang set at 100 % ang exposure ko buong play, di nga ko gumalaw (masunurin ako eh!!), ganun tuwing may practice hanggang sa huling pagtatanghal… ilang oras din akong naninigas at namumulikat habang ang mga manonood ay nagdadaldalan. Gusto ko rin ang “Ibong Adarna”, kaya lang, hanggang ngayon, hindi ko maintindihan kung paano nagiging bato ang iniputan ng ibon… tanda ko, kumpara sa libro,  mas gusto ko yung pelikula ng Sampaguita Pictures sa channel 9 kung san Bida si Dolphy, nakakatawa eh… andun pa si Panchito!Korek ka dyan… yung black and white (TV namin nun ay may pintuan pa at dinadial ko pa ng mga daliri ng paa ko-sa katamarang tumayo-upang magpalit  ng channel)… Nga pala dun sa play namin na ito… bato naman ako. (Hay, kawawa talaga pag HS, pag di ka sumunod ibabagsak ka… sabi ng titser ko, “wala kana ngang ipinasang quiz… di ka pa sasali sa play”… yun.. napilitan ako!!!)

O di ba, dibdiban na ba to!…

Oo nga pala. Kilala ko rin si Crisostomo Ibarra at si Maria Clara, pero sa mga pagkakataon, kadalasang pagkahagupit ng labis na lungkot, di maipaliwanag na nararamdaman, pagkasabik, at pinagsususulat ngayon, palagay ko, papasa ko bilang Sisa. (buti na lang sa backstage na ko nung pinatanghal sa amin iyon, at di na kinailangang tumayo sa isang tabi ng ilang oras… na-adik nga lang ata ako sa amoy ng rugby at glue kagagawa ng props!)

Hehe… iniisip ko… eh bakit nga ba ko nagmatigas at sususulat sa Filipino? Marahil upang magkaroon ng paraan ng upang mailabas ang aking saloobin sa ibang pamamaraan,  o di kaya’y patunayan sayo… oo sayo, ikaw nga, at wala nang iba pa… na marunong akong magtagalog at gagawin ko lahat maging magkaparehas lang ang diksyunaryo natin.

Saming ika nga… sa sobrang hirap ng buhay, gulo ng pagkakataon, matinding tibok ng damdamin, kaguluhan ng merkado,  pagkahirap ng panahon, pagkasabik sa minamahal, at pagnanasang bumuka ang lupa at kainin ako ng buo…eto… napagod na rin akong malungkot,umiyak, mag-isip, magintay sa hangin, tumitig sa butiki,  sumulat ng mga sonnets, makinig sa love songs, magbasa ng depressing na tula at komposisyon. haaaaaaay tatawa na lang ako. Pero gusto ko sabay tayo.

Pasensya na kung mali-mali, basta eto ang tumatakbo sa isip ko. Di ako taga-UP – pinangarap ko noon pero masyadong malayo sa bahay namin, masyado kong tamad gumising ng maaga, madaling mawala, ayaw ng siksikang, at  masyadong mahal ang pamasahe…kaya di natuloy. Siguro , kung dun ako nakapag-aral, mas matino ang pagsulat ko.

O yan… may laman na ha. Nga pala, kaya ganito ang title nito… kasi sa kagustuhan ko magsulat ng tagalog, kahit sobra-sobrang hirap-gagawin ko.. ika nga, halik sa hangin at suntok sa buwan. Basta, ikaw na ang kausap ko ha… kung sino o ano ka man.. hmm basta.

Basa ka lang ha… kung pangit… sabihan mo ko.. kung malungkot ka, dito lang ako  nagiintay sa kahit sinong bumasa nito, basa ka lang baka sakaling maaliw ka, kung may mali.. tawa na lang, isipin mo joke yun…heheheheheh.

Leave ka ng comment ha… gusto ko malaman kung anong masasabi mo.. haay masyadong malungkot ang buhay… hinahanap-hanap ko yung mabilis na takbo ng panahon at masasayang kwentuhan..kaya habang wala pa.. sulat lang ako ng sulat, basa ka ha. Friends tayo!

→ 4 CommentsCategories: Uncategorized
Tagged: , , , , , , ,